Paulines Multimedia is the apostolic arm of the Daughters of St. Paul, Philippines–Malaysia–Thailand Province, carrying out the mission of evangelization through online and digital media.
#Paulines #DaughtersOfStPaul
e-mail: avpmpt@paulines.ph | 09235227747
Paulines Multimedia
Mabuting Balita l Hulyo 18, 2026 – Sabado, Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Kapistahan San Bruno ng Segni
Unang Pagbasa: Mikas 2, 1-5 | Salmong Tugunan: Salmo 10
#MabutingBalita #DaughtersOfStPaul #Paulines
Ebanghelyo: Mateo 12:14-21
Pagkalabas ng mga Pariseo, nag-usap-usap sila kung paano nila masisiraan si Jesus. Nalaman ito ni Jesus kaya lumayo siya sa lugar na iyon. Maraming tao ang sumunod sa kanya. Pinagaling niya ang lahat ng maysakit ngunit inutusan niya sila na huwag siyang ipamalita. Kaya natupad ang sinabi ni Isaias, ang propeta: “Narito ang utusan ko na aking pinili, ang mahal ko na siya kong kinalulugdan. Ilalagay ko sa kanya ang aking Espiritu at siya ang magpapahayag sa mga bansa ng aking mga pasya. Hindi siya makikipagtalo o sisigaw, hindi maririnig sa mga liwasan ang kanyang tinig. Hindi niya babaliin ang sugatang tangkay o papatayin ang aandap-andap na mitsa. Hindi siya titigil hanggang magwagi ang katarungan. Ang kanyang pangalan ang inaasahan ng lahat ng bansa.”
Pagninilay:
Nakakagulat ang simula ng Mabuting Balita ngayon. Sa kabila ng paggawa ng mabuti ni Jesus, nagpapagaling, nagdadala ng pag-asa sa mga tao - may mga taong lihim na nagpaplano kung paano Siya ipapapatay. Paalala na hindi lahat ng kabutihan agad na tatanggapin o pahahalagahan. Minsan, kahit tama ang ginagawa mo, may mga taong hindi makauunawa, manghuhusga, o kokontra sa iyo.
Ano ang tugon ni Jesus. Hindi Siya nakipag-away. Hindi Siya gumanti. Hindi Siya nagsimula ng kampanya laban sa Kanyang mga kaaway. Sa halip, tahimik Siyang umalis at nagpatuloy sa Kanyang misyon ng pagpapagaling at pagmamahal.
Ganito ang inilalarawan ni Propeta Isaias: “Hindi siya makikipag-away o maninigaw.” Sa mundo ngayon na puno ng sigawan, argumento, at pagnanais na laging manalo, palakasan ng boses, ipinakikita ni Jesus ang kapangyarihan ng kahinahunan. Hindi kailangang patulan ang lahat ng laban. Hindi kailangang sagutin ang lahat ng kritisismo.
Mas maganda pa ang sumunod na paglalarawan: “Hindi niya babaliin ang tambong marupok, at hindi niya papatayin ang ilawang umaandap.” Ganyan magmahal si Jesus. Sa ating panghihina, hindi Niya tayo tinataboy. Kapag tila paubos na ang ating pag-asa, hindi Niya tayo hinuhusgahan. Sa halip, maingat Niya tayong inaalalayan hanggang muling makatayo.
Kapanalig, marahil may bahagi ng buhay mo ngayon na parang “tambong marupok” o “ilawang umaandap.” Maaaring pagod ka na, sugatan, o nawawalan ng direksyon. Narito ang Mabuting Balita: hindi ka susukuan ni Jesus. Hindi tayo sinusukuan ni Jesus! At kung tunay Niya tayong tagasunod, tinatawag din tayong maging ganoon sa iba—hindi pandurog ng mahihina kundi tagapagpalakas; hindi tagahusga kundi tagapagbigay-pag-asa.
Nawa’y hindi na natin dagdagan pa ang maraming galit sa mundong ito. Nawa’y pusong katulad ng puso ni Jesus ang maging ating munting ambag sa lahat ng ating nakakasalamuha araw-araw.
- Sr. Deedee Alarcon, fsp | Daughters of St. Paul
9 hours ago | [YT] | 57
View 2 replies
Paulines Multimedia
Mabuting Balita l Hulyo 17, 2026 – Biyernes, Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Kapistahan ni San Alejo
Unang Pagbasa: Isaias 38, 1-6. 21-22. 7-8 | Salmong Tugunan: Isaias 38
#MabutingBalita #DaughtersOfStPaul #Paulines
Ebanghelyo: Mateo 12:1-8
Naglakad si Hesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. Nagutom ang kanyang mga alagad at sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kainin ‘yon. Nang mapansin ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Jesus: “Tingnan mo ang iyong mga alagad, gumagawa sila ng ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga!” Ngunit sumagot si Hesus: “Hindi n’yo ba nabasa ang ginawa ni David noong magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal sa kanya o sa kanyang mga kasama na kainin ito liban sa mga pari. At hindi n’yo ba nabasa sa Batas na sa Araw ng Pahinga, walang pahinga ang mga pari sa Templo pero wala silang kasalanan dahil dito? Sinasabi ko naman sa inyo: Dito’y may mas dakila pa sa Templo. Kung nauunawaan n’yong talaga ang salitang ito, ‘Awa ang gusto ko, hindi handog,’ hindi n’yo sana hinatulan ang walang-sala. At isa pa’y ang Anak ng Tao ang Panginoon ng Araw ng Pahinga.”Naglakad si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga.
Pagninilay:
Ang mga alagad ni Jesus ay namitas ng uhay at kumain ng mga butil dahil gutom sila. Ayon sa mga Judio lumabag sila sa batas ng pamamahinga. Ipinagtanggol ni Jesus ang mga alagad at pinaalaala na ang batas ay para sa tao, hindi ang tao para sa batas. “Habag ang ibig ko at hindi hain,” sabi ni Jesus. Ang habag ay isang napakagandang emosyon na nagtutulad sa atin sa Diyos sapagkat ang Diyos ay mahabagin. Dahil sa habag, ipinadala ng Ama ang kanyang Bugtong na Anak upang iligtas tayo sa kapahamakan. Ang pagliligtas na iyan ay nauulit araw-araw. Dahil nagkakasala tayo araw-araw. Gusto nating mahalin ang Diyos at tuparin ang Kanyang kalooban ngunit kadalasan nananaig ang ating pagkamakasarili at katigasan ng loob. Salamat sa Diyos, dahil ang kanyang habag ay walang hanggan. Tuwing tayo’y nagsisisi, pinatatawad Niya tayo at patuloy na minamahal. Kung paano tayo kinakahabagan ng Diyos, ganoon rin ang gusto niyang gawin natin sa ating kapwa. May mga pagkakataon na ang ating kapwa ay nakagawa ng masama sa atin. Katulad natin nahihikayat rin sila sa kasamaan at palaging nadudulas.
Kapanalig, handa ka bang magpatawad at magmahal? Kung ang sagot mo ay oo, magiging daluyan ka ng habag ng Diyos. Sa iyo masasalamin ang Diyos na maawain.“ Pinagpala ang mga maawain, sapagkat magkakamit sila ng awa.”
Sr. Vangie Canag, fsp | Daughters of St. Paul
1 day ago | [YT] | 77
View 4 replies
Paulines Multimedia
Mabuting Balita l Hulyo 16, 2026 – Huwebes, Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Kapistahan ng Mahal na Birheng Maria ng Bundok ng Carmen
Unang Pagbasa: Isaias 26, 7-9. 11. 16-19 | Salmong Tugunan: Salmo 102
#MabutingBalita #DaughtersOfStPaul #Paulines
Ebanghelyo: Mateo 11:28-30
Sinabi ni Hesus: “Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawain ko kayo. Kunin n’yo ang aking pamatok at matuto sa akin na mahinahon ako at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mabuti ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”
Pagninilay:
Kapag meron tayong malaking problema, maaaring sa kalusugan, relasyon, material o moral, ang ating “natural tendency” ay maghanap ng kausap o karamay upang maibsan ang bigat na ating dinadala. Sa ganitong paraan, maaaring makatagpo tayo ng lunas, subali’t pansamantala lamang ito. Sino nga ba ang tunay na makapagbibigay sa atin ng totoong lunas at kasagutan sa ating mabigat na dinadala? Walang iba kundi si Hesus, ang Daan, Katotohanan at Buhay. Kaya’t ang paanyaya Niya ay "Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagod at may mabigat na pasanin, at bibigyan ko kayo ng kapahingahan."
Hindi ipinangako ni Jesus na mawawala ang lahat ng problema natin, ngunit ipinangako Niya na bibigyan Niya tayo ng kapayapaan at lakas habang hinaharap ang mga ito. Kasama natin Siya sa pagpapasan ng ating krus kaya’t ito ay gumagaan.
Isa sa nakakabahalang problema ng ating lipunan ang “depression sa ating mga kabataan.” Marami sa kanila ang nakakaisip na wakasan ang kanilang buhay. Alalahanin natin na bilang Kristiyano, palagiin natin ang pag-asa. Pag-asa sa pagmamahal at pagkalinga ng Diyos na kailanman ay hinding-hindi tayo pababayaan. Sa Kanya, makakatagpo tayo ng kaliwanagang pang-espirituwal, kapayapaan at lakas upang maharap natin ang anumang pagsubok sa buhay.
Ngayong kapistahan ng Mahal na Birhen ng Carmel, ipina-aalaala sa atin na mayroong natatanging pagsanggalang ang Mahal na Birhen para sa lahat ng kanyang mga deboto. Siya rin ay mayroong natatanging tulong na laan, lalung-lalo sa panahon ng kamatayan. -Sr. Aida Adriano, fsp | Daughters of St. Paul
2 days ago | [YT] | 85
View 5 replies
Paulines Multimedia
Mabuting Balita l Hulyo 15, 2026 – Miyerkules, Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Kapistahan ni San Buenaventura, obispo at pantas ng Simbahan
Unang Pagbasa: Isaias 10, 5-7. 13-16 | Salmong Tugunan: Salmo 94
#MabutingBalita #DaughtersOfStPaul #Paulines
Ebanghelyo: Mateo 11:25-27
Nagsalita si Hesus sa pagkakataong iyon: “Pinupuri kita, Amang Panginoon ng Langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.”
Pagninilay:
Stressed ka ba sa kakaisip kung paano masosolusyunan ang lahat ng problema? Mabilis ka rin bang mairita dahil sa napakaraming detalye na kailangan mong asikasuhin? Minsan, pakiramdam natin, kailangan nating kontrolin ang lahat. Kaya mabilis din tayong mapagod, mabahala, at mawalan ng kapayapaan. Kung ganito ang iyong nararamdaman ngayon, para sa iyo ang mensahe ng Ebanghelyo. Sa araw na ito, inaanyayahan tayo ni Hesus na magkaroon ng pusong parang bata. Sapagkat ang Kanyang mga turo ay tunay na mauunawaan at maisasabuhay lamang ng isang pusong mapagpakumbaba at marunong magtiwala. Kaya kung nais nating maging mapagpakumbaba, tularan natin ang isang batang lubos na nagtitiwala sa kanyang mga magulang. Ang pagiging childlike ay hindi pagiging isip-bata. Ito ay pagkakaroon ng pusong marunong magpasalamat, marunong makinig, at marunong umasa sa Diyos. Ibig sabihin, kahit mayroon tayong angking talino at kakayahan, huwag nating bibitiwan ang Panginoon. Patuloy tayong manalangin at makinig sa Kanyang mga salita. Minsan, habang nadaragdagan ang ating kaalaman, karanasan, at kakayahan, nagiging mahirap para sa atin ang magpakumbaba at amining kailangan parin natin ang Diyos at ang karunungan ng iba. Tinatawag ni Padre Pio ang ganitong uri ng kayabangan na intellectual pride. May talino nga, ngunit nakakalimutang makinig sa Salita ng Diyos at sa karunungan ng kapwa. Sa halip na maging daan patungo sa Panginoon, nagagamit pa ang talino upang isulong ang pansariling kagustuhan.
Bilang isang taong likas na nag-aalala, madalas kong kailangang paalalahanan ang aking sarili na hindi ako ang may hawak ng mundo. Diyos ang may hawak nito. Kaya naman tumatak sa akin ang paalala ni Fr. Jerry Orbos para sa mga worriers at control freaks na katulad ko: “You relax on a plane though you don’t know the pilot; you relax on a ship though you don’t know the captain; you relax in a bus though you don’t know the driver. Why don’t you relax in life, knowing that God is in control?” Kapanalig, sa araw na ito, hindi hinihingi ng Panginoon na kontrolin mo ang lahat. Ang hinihingi Niya ay ang iyong pagtitiwala. Kaya huwag kang matakot na ipaubaya sa Kanya ang mga alalahaning hindi mo na kayang dalhin mag-isa. Mahal tayo ni Hesus. Siya ay tapat at hindi nagpapabaya na Diyos. Let go and let God. Amen.
Fr. John Klen Malificiar, SSP | Society of St. Paul
3 days ago | [YT] | 95
View 3 replies
Paulines Multimedia
Mabuting Balita l Hulyo 14, 2026 – Martes, Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Kapistahan ni San Camilo de Lellis, isang pari
Unang Pagbasa: Isaias 7, 1-9 | Salmong Tugunan: Salmo 48
#MabutingBalita #DaughtersOfStPaul #Paulines
Ebanghelyo: Mateo 11:20–24
Sinimulang tuligsain ni Hesus ang mga bayang ginawan niya ng karamihan sa kanyang mga himala, sapagkat hindi sila nagpanibagong-buhay: “Sawimpalad kayong mga bayan ng Corozain at Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang naganap sa piling ninyo, matagal na sana silang nagsisi nang may abo at sako.
Kaya sinasabi ko sa inyo: Mas magiging magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom kaysa inyo. At ikaw naman, Capernaum, itataas ka ba sa langit? Hindi, itatapon ka sa kaharian ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodom nangyari ang mga himalang naganap sa iyo, narito pa sana ngayon ang Sodom. Kaya sinasabi ko sa inyo: mas magiging magaan pa ang sasapitin ng lupain ng Sodom sa araw ng paghuhukom kaysa inyo.”
Pagninilay:
Naranasan mo na ba na sa kabila ng mga kabutihang ginawa mo para sa iba, ay parang walang kwenta kang tao sa paningin nila?
Ganito mismo ang karanasan ng ating Panginoong Hesus sa mga bayan ng Chorazin Betsaida at Capernaum, kung saan nangaral Siya ng Mabuting Balita, nagpagaling ng mga maysaskit, gumawa ng milagro, nagpalayas ng mga demonyo at marami pang mga kabutihan sa mga taong naroroon. Subali’t nagumon sila sa pagkakasala, masasamang bisyo, kapalaluan at mga makamundong mga bagay. Sarado ang mga isip at puso nila sa panawagan ng Panginoon na magbagong-buhay. Ang salita ni Hesus na “woe to you” o “sumpain kayo” ay hindi panunumpa sa kanila, kundi isang babala na kung hindi sila makikinig sa Salita ng Diyos at mabagong-buhay, tunay nga silang mapapahamak.
Tinatawag at inaanyayahan rin tayo ng Diyos na magpakumbaba at magbalik-loob sa Kanya. Mahalagang paalaala ito na huwag nating balewalain ang mga biyayang ibinibigay sa pang araw-araw nating buhay. Nawa’y buksan natin ang ating puso sa Kanyang awa, pag-ibig at Salita. -Sr. Teresita Burias, fsp | Daughters of St. Paul
4 days ago | [YT] | 92
View 4 replies
Paulines Multimedia
Mabuting Balita l Hulyo 13, 2026 – Lunes, Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Kapistahan ni San Enrico
Unang Pagbasa: Isaias 1, 10-17 | Salmong Tugunan: Salmo 50
#MabutingBalita #DaughtersOfStPaul #Paulines
Ebanghelyo: Mateo 10:34 - 11:1
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Huwag n’yong isipin na dumating ako para magdala ng kapayapaan sa lupa. Hindi kapayapaan ang dala ko kundi tabak. Dumating akong taglay ang paghihiwalay: ‘ng tao laban sa kanyang ama, ng anak na babae sa kanyang ina, ng manugang sa kanyang biyenan.
At magiging kaaway ng bawat isa ang kanyang mga kasambahay.’ Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina kaysa akin. Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang anak kaysa akin. At hindi karapat-dapat sa akin ang sinumang hindi nagpapasan sa kanyang krus at sumusunod sa akin.
Nawawalan ng kanyang sarili ang sinumang nagpapahalaga nito, at matatagpuan naman ito ng nawawalan ng kanyang sarili. Kung may tumatanggap sa inyo, tinatanggap din niya ako; at kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin.
Kung may tumanggap sa isang propeta dahil propeta ito, tatanggapin din niya ang gantimpalang bagay sa isang propeta; kung may tumanggap sa isang mabuting tao dahil marangal ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang mabuting tao.
Kung may magpainom ng malamig na tubig sa isa sa maliliit na ito dahil sa alagad ko ito, sinasabi kong hindi siya mananatiling walang gantimpala.” Nang matapos si Hesus sa pagtuturo sa Labindalawa niyang alagad, umalis siya roon para magturo at mangaral sa mga bayan doon.
Pagninilay:
Kelan ba nagiging sanhi ng away at pagkakahati-hati ang pagsunod kay Jesus? Narinig natin sa Mabuting Balita na sinabi ni Jesus na hindi siya naparito upang maghatid ng kapayapaan kundi digmaan at away sa loob ng pamilya. Nakakabahala, di po ba? Pero ganun talaga ang mangyayari kung magkaiba ng paniniwala at pagpapahalaga ang mga kasapi ng pamilya. Sa usaping pulitika lamang, hati na ang pamilya. Maging nang pumasok ako sa kumbento upang magmadre kinailangan ko ring suwayin ang kalooban ng aking ama upang sundin ang tawag ng Diyos. Bumilang ako ng mga taon bago niya ako lubos na napatawad at natanggap ang bokasyon ko sa pagmamadre. Mahirap mapanindigan ang pagsunod kay Jesus subalit kapag pinili natin ang Diyos at ang kanyang kalooban, tiyak na gagantimpalaan Niya tayo ng higit pa sa ating inaasahan.
Sr. Lou Ranara, fsp | Daughters of St. Paul
5 days ago | [YT] | 92
View 3 replies
Paulines Multimedia
Mabuting Balita l Hulyo 12, 2026 – Linggo, Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Unang Pagbasa: Isaias 55, 10-11 | Salmong Tugunan: Salmo 65 | Ikalawang Pagbasa: Roma 8, 18-23
#MabutingBalita #DaughtersOfStPaul #Paulines
Ebanghelyo: Mateo 13:1-23
Nang araw na yaon ay lumabas ng bahay si Hesus at naupo sa tabing dagat. Nilapitan siya ng makapal na tao, kaya lumulan siya sa isang daong at naupo roon, samantalang ang mga tao ay nasa dalampasigan. At nagsalita siya sa kanila sa pamamagitan ng mga talinhaga, ang wika: “Ang isang magsasaka ay lumabas upang maghasik sa kanyang paghahasik, ang ilang butil ay nalaglag sa tabi ng daan, at ito ay kinain ng mga ibon sa himpapawid nang sila ay dumating. Ang ilan ay nalaglag sa mga batuhan, na doon ay walang sapat na lupa. Tumubo agad palibhasa ay hindi malalim ang lupa, datapwat pagsikat ng araw ay nalanta at tuluyan nang natuyo dahil sa kawalan ng ugat. Ang ilan ay nawalan ng ugat sa dawagan at nang lumaki ay ininis ng mga dawag. Ang iba naman ay nalaglag sa mabuting lupa. May namunga nang tig-iisang daan, tig-aanimnapu, nang tig-tatatlumpu, ang mga may tainga ay makinig.”
Nagsilapit sa kanya ang mga alagad na ganito ang sinabi. Bakit ka nagsasalita sa kanila ng mga talinhaga? Sumagot siya: “Sapagkat sa inyo ay ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng kaharian ng langit, ngunit sa kanila ay hindi, sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa upang sumagana, ngunit ang wala ay babawian pa ng kaunting nasa kanya. Kaya ako nagsasalita sa kanila ng mga talinhaga ay sapagkat tumingin man sila ay walang nakikita, at nakikinig man ay walang naririnig at nauunawaan. Dahil diyan ay natutupad sa kanila ang winika ni Propeta Isaias: "Maririnig ng inyong mga tainga ngunit di mauunawaan; makikita ng inyong mga mata ngunit walang matatalastas." Sapagkat pinatigas ng bayang ito ang kanilang puso, tinakpan ang kanilang mga tainga, at ipinikit ang kanilang mga mata. Baka makakita pa ang kanilang mga mata, makarinig ang kanilang mga tainga, makaunawa ang kanilang mga puso, at manumbalik sila at aking pagalingin. Mapapalad ang inyong mga mata na nakakakita, at ang inyong mga tainga na nakakarinig. Sapagkat tunay na sinasabi ko sa inyo, na hinangad ng maraming propeta at mga matutuwid na tao, na makita ang inyong nakikita at di nila nakita, at marinig ang inyong naririnig at di nila narinig. Kaya pakinggan ninyo ang talinhaga tungkol sa mga hasik. Ang mga nakikinig sa salita ukol sa kaharian ng Diyos ngunit hindi nakakaunawa ay tulad ng mga binhing nahasik sa tabing daan.
Dumating ang masama at inagaw ang nahasik sa kanyang puso. Ang binhing nahulog sa batuhan ay yaong nakikinig at masayang tumatanggap ng salita, ngunit sa kawalan ng ugat ay hindi nagtagal at pagdating ng sakuna o pag-uusig ay nanghihina ang loob. Ang nahasik sa mga dawagan ay yaong nakikinig ng salita, ngunit ito ay iniinis ng kabalisahan sa daigdig at ng hibo ng kayamanan, kaya't hindi nagbubunga. Ang nahasik sa mabuting lupa ay ang nakikinig ng salita at nauunawaan ito. Dahil diyan ay may nagbubunga nang tig-iisang daan, nang tig-aanimnapu, nang tig-tatatlumpu.”
Pagninilay:
Kumbaga sa lenggwahe ng mga kabataan ngayon, maituturing natin si Hesus na isang “cool teacher.” Nagturo siya ng Salita ng Diyos hindi lamang sa Templo kundi maging sa palengke, sa kalye at maging sa lawa habang sakay sa isang bangka. Dumistansya siya mula sa nagkukumpulang mga tao na nais makapakinig sa kanya. Napapalibutan ang lawa ng Galilea ng mga bundok at kaparangan. Maaaring mula sa di kalayuan nasulyapan ni Hesus ang isang manghahasik ng mga buto. Ginamit ni Hesus ang halimbawang ito para isalarawan ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos.
Malayang isinasaboy ng manghahasik ang mga buto at ang ilan ay tinatangay ng hangin patungo sa daanan. Natatapakan iyon ng mga nagdaraan at ang ilan naman ay tinuka ng mga ibon. Ang ibang buto ay napadpad sa dakong mabato. Nabuhay man ang binhi ngunit hindi iyon nagtagal at namatay dahil sadyang mababaw ang pag-ugat nito. Ang mga butong dumapo naman sa mga matitinik na dako ay sinakal ng mga tinik at hindi na lumago hanggang tuluyang mamatay. Ngunit dahil sagana ang mga butong isinasaboy ng manghahasik, marami sa mga ito’y humantong sa mabuting lupa kung saan nabuhay at lumago ang mga halaman. Ang mga buto ay namunga ng isandaan, animnapu at tatlumpung ulit.
Sagana ang Salita ng Diyos. Inihahayag ito ng Panginoon at humihirang siya ng mga mangangaral. Ngunit hindi lamang yaong nag-aral sa unibersidad o seminaryo ang naghahayag ng Mabuting Balita. Kadalasan, ang mga ordinaryong tao na tahimik at nabubuhay nang payapa at may takot at pag-ibig sa Diyos ay nagiging makapangyarihang tagapagpahayag ng kanyang Salita. Maging ang taong may malubhang sakit na patuloy na kumakapit at nagtitiwala sa Diyos ay nagiging buhay na saksi ng Mabuting Balita.
Ang lupang tumatanggap ng Salita ng Diyos ay may tungkulin din na pagnilayan at pagyamanin sa kanyang buhay ang Salita ng Diyos. Hindi basta mamumunga ang Salita ng Diyos pagkatapos na ito’y ipahayag. Kailangan ang pakikinig, pagtanggap, pagninilay at pagsasabuhay nito.
Fr. Paul Marquez, SSP | Society of St. Paul
6 days ago | [YT] | 104
View 2 replies
Paulines Multimedia
Mabuting Balita l Hulyo 11, 2026 – Sabado, Ika-14 Linggo sa Karaniwang Panahon
Kapistahan ni San Benito, Abad
Unang Pagbasa: Isaias 6, 1-8 | Salmong Tugunan: Salmo 93
#MabutingBalita #DaughtersOfStPaul #Paulines
Ebanghelyo: Mateo 10:24-33
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Hindi higit sa kanyang guro ang alagad, o higit sa kanyang amo ang utusan. Hangad lamang ng alagad na tularan ang kanyang guro, at ng utusan ang kanyang amo. Kung tinawag na Beelzebul ang may-ari ng bahay, ano pa kaya ang kanyang mga kasambahay! Kaya huwag kayong matakot sa kanila.
Walang tinatakpan na hindi nabubunyag at walang natatago na hindi nahahayag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ipahayag n’yo sa liwanag. Ang narinig n’yo nang pabulong, ipahayag mula sa bubong. Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno.
Nabibili ang dalawang maya kahit na sa ilang sentimo, wala isa mang bumabagsak sa lupa na hindi niloloob ng Ama. At kayo, bilang na pati buhok sa inyong ulo. Kaya huwag kayong matakot: mas mahalaga kayo kaysa mga maya.
Ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko sa harap ng aking Ama sa Langit. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Ama sa Langit.”
Pagninilay:
Anong kinatatakutan mo? Bilang laki sa isang prestihiyosong all-boys school sa Metro Manila, sports ang isang paraan upang matutunan ang kahalagahan ng grit o ang tibay ng loob, lalo na kapag mukhang tagilid ang laban o kung mahaharap sa pagkatalo. Naaalala ko noong isang promotion test namin sa taekwondo, kinailangan naming baliin ang isang tablang kahoy gamit ang isang sipa. Dahil medyo makapal ang tabla, kinabahan akong hindi ko mababali ito sa isang sipa. Hinding-hindi ko malilimutan ang payo sa akin ng aking instructor, “Hindi sa lakas ng sipa nasusukat ang iyong paglago kundi sa lakas ng iyong loob at tiyaga na harapin ang hamon.” Samakatuwid, hindi nakabatay sa ating kakayahan ang ating pagkatao kundi sa ating sigasig na magtiyaga at magpatuloy sa kabila ng mga pagsubok at hamon ng buhay.
Kahapon, narinig natin sa Mabuting Balita kung paano ni-real talk ni Hesus ang kanyang bagong-hirang na mga alagad sa haharapin nilang hamon sa misyon––tahasang pagtanggi, pagtalikod, at paghihiya mula sa sariling pamilya, mga kaibigan, at kababayan. Sigurado akong natakot ang mga alagad sa ganitong pangungusap! Ngayon naman, paalala ni Hesus sa kanila na ang pag-aalimura ng mundo ay isang patunay ng kanilang katapatan at dapat nilang ikatuwa’t ipagmalaki, tulad ng isang medalyang tanda ng tagumpay. Dagdag pa ni Hesus na sa kanilang paghihirap at pagpapakasakit ay hindi sila nililimot ng Diyos – “bilang ang inyong buhok,” ika nga niya.
Mga kapanalig, normal na susubukin ng mundo ang ating pamumuhay bilang Kristiyano. May mga pagkakataon din na tayo’y panghihinaan ng loob at tatalikod, tulad ng mga alagad. Ngunit panghawakan natin ang paalala ni San Juan Pablo Ikalawa, “Hindi tayo suma total ng ating mga kahinaan; tayo ay suma total ng pag-ibig ng Ama at ng ating tunay na kakayahang maging kawangis ng kanyang Anak.” Hindi nasusukat ang halaga ng ating pagkatao sa ating mga pagkatalo kundi sa pagmamahal ng Diyos na nagpapalakas sa ating bumango’t sumubok muli. Kapit lang tayo dahil sa pag-ibig ng Diyos, kailanma’y ‘di tayo tuluyang mabibigo.
Cl. Russel Matthew Patolot, SSP | Society of St. Paul
1 week ago | [YT] | 89
View 4 replies
Paulines Multimedia
Mabuting Balita l Hulyo 10, 2026 – Biyernes, Ika-14 Linggo sa Karaniwang Panahon
Kapistahan ni Santa Amalburga
Unang Pagbasa: Oseas 14, 2-10 || Salmong Tugunan: Salmo 51
#MabutingBalita #DaughtersOfStPaul #Paulines
Ebanghelyo: Mateo 10:16-23
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Isinusugo ko kayo ngayon na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Maging matalino nawa kayo gaya ng mga ahas at walang-malay ng parang mga kalapati. Mag-ingat sa mga tao; ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano. Pag iniharap naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo’y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan n’yo. Ipapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin ngunit sa pananatili lamang n’yong matatag hanggang wakas doon kayo maliligtas. Kung uusigin kayo sa isang bayan, tumakas kayo at pumunta sa kabilang bayan. Sinasabi ko sa inyo, bago n’yo matapos daanan ang lahat ng bayan sa Israel, darating na ang Anak ng Tao.”
Pagninilay:
Totoo ang salita ng Panginoon noon, ngayon at hanggang sa katapusan ng panahon. Ang paaalala niya sa kanyang mga alagad mahigit na 2,000 taon na ang nakakalipas ay para bagang sa atin niya ngayon ibinubulong: MAGPAKATALINO at MAGING MATAPAT. Nahaharap tayo ngayon sa ibang uri ng suliranin na susubok sa tatag ng ating pananampalataya, tulad ng nakaririmarim na korupsyon sa ating pamahalaan; ang lumalaganap na fake news at poison posts sa social media; ang kaguluhan at kahihiyang nagaganap sa kongreso at senado; ang talamak na pagbibigay halaga ng mga namumuno sa atin sa kanilang pansariling agenda. Ang sugat na gawa ng “kalaban” ngayon ay ‘di nakikita sa katawan; sumusugat ito sa ating isip at kaluluwa at nagbubunga ng pagkakagulo, pagkakahiwa-hiwalay at hidwaan. Tayo ngayon ay nasa gitna ng pakikibaka… hindi na nga lang mga Pariseo o mga Hentil ang ating katunggali kundi mga tulad nating mga “Kristiyano”… mga nagpupuri sa Diyos ngunit taliwas sa turo ng Panginoon ang ginagawa.
Paano natin haharapin ang lahat nang ito? May formula na iniwan ang Panginoon: MAGING MATALINO – huwag agad padadala sa magagandang pangako, sa mga maluha-luhang pagtawag sa Panginoon samantalang taliwas sa utos ng Diyos ang ginagawa. MAGING MAPANURI – matutong manaliksik; alamin ang katotohanan; …mag “fact check”! Timbangin ang mga bagay-bagay. Huwag agad maniniwala sa mga taong mukhang banal at madasalin. Tandaan natin na ang diablo na tumukso sa Panginoong Jesus sa disyerto ay maalam sa Banal na Kasulatan.
At higit sa lahat, MAGING MATAPAT. Matapat sa pagtupad sa mga utos ng Panginoon. Matapat sa ating konsensiya…sa ating pamilya… sa ating bayan. Kung susundin natin ang bilin ng Panginoon, hindi tayo basta-basta mahihikayat ng mga nagpapanggap na tupa ngunit mga mababangis na lobo pala. Amen.
Ms. Lulu Pechuela, APC | Association of Pauline Cooperators
1 week ago | [YT] | 83
View 3 replies
Paulines Multimedia
Mabuting Balita l Hulyo 9, 2026 – Huwebes, Ika-14 Linggo sa Karaniwang Panahon
Kapistahan ni San Agustin Zhao Rong at mga kasamang martir
Unang Pagbasa: Oseas 11, 1-4. 8k-9 || Salmong Tugunan: Salmo 80
#MabutingBalita #DaughtersOfStPaul #Paulines
Ebanghelyo: Mateo 10:7-15
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang Kaharian ng Langit. Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Ibigay n’yo nang walang bayad ang tinanggap n’yo nang walang bayad. Huwag magdala ng ginto, pilak o pera sa inyong mga bulsa. Huwag magdala ng balutan o sobrang damit o sandalyas o tungkod sapagkat nararapat ang manggagawa sa kanyang ikabubuhay. Pagdating n’yo sa isang bayan o baryo, maghanap ng isang taong karapat-dapat sa kanya makituloy hanggang sa inyong pag-alis. Pagpasok n’yo sa isang tahanan, dasalan ito ng kapayapaan. Kung karapat-dapat ang sambahayang ito, sasakanila ang kapayapaang dinasal n’yo; kung hindi naman karapat-dapat, babalik sa inyo ang inyong dasal. At kung may bahay o bayang hindi tatanggap sa inyo o makikinig sa inyong mga salita, lumabas sa bahay o bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa. Sinasabi ko sa inyo, mas magiging magaan pa sa araw ng paghuhukom para sa mga taga-Sodom at Gomorra kaysa bayang iyon.”
Pagninilay:
Kailan nadumihan ng alikabok ang iyong sapatos? Tingnan mo nga ngayon baka mayroon. Shake off the dust daw. Ito ang payo ng ating Hesus Maestro. That means, kapag hindi nakakatulong sa iyo kailangang pagpagin ang alikabok. Ang dust pwedeng negativity na nagiging toxic kapag hindi natin ito ipinagpag at dala-dala natin kahit saan tayo magpunta. Kaya bitawan natin ang mga toxic influences tulad ng unhealthy relationships, bad influencers sa social media, materialistic mindset, judgmental comments. Ang lahat nito nagdadala ng negativity na nakakaapekto sa ating mental at emotional health. Bukod pa rito, let us hold on sa sinabi ni Pope Leo XIV. Base ito sa kanyang unang encyclical na Magnifica Humanitas na nilikha tayo ng Diyos sa Kanyang buong karilagan. May divine life tayo at kalakip nito ang human dignity natin. Kaya ang bawat choice natin, dapat nasusustenahan ang ating dignified life. “Do not mar our own identity. Guard with love our humanity.”
Sr. Gemmaria dela Cruz, fsp | Daughters of St. Paul
1 week ago | [YT] | 89
View 3 replies
Load more